Nitong ika-16 ng Marso, 2023, nagsagawa ang Social Enterprise Development Partnerships Inc. (SEDPI) ng relief operations sa mga lugar na apektado ng Low Pressure Area sa Carmen, Davao del Norte at Prosperidad, Agusan del Sur. Ang organisasyon ay tumugon sa mga pangangailangan ng mga tao sa mga apektadong lugar sa pamamagitan ng SEDPI KaTambayayong na isang uri ng damayan system.
Batay sa datos na nakalap ng SEDPI, apektado ang 193 sa 1,097 members sa Carmen, Davao del Norte, habang sa Prosperidad, Agusan del Sur ay 38 sa 1,251 members ang apektado ng Low Pressure Area. Ayon sa mga members sa lugar, umabot ang tubig hanggang bewang at leeg. Karamihan sa mga residente ay pansamantalang tumira sa mga kalsada at sa municipal gymnasium bilang evacuation center.
Nagbibigay ang SEDPI KaTambayayong ng life, sickness, calamity, fire, funeral, at accident assistance benefits. Kasama sa calamity benefit ang relief goods at PhP250 cash. Ang mga benefits na ito ay karaniwang naibibigat sa mga members sa loob lamang ng isa o dalawang araw, na labis na mas mabilis kumpara sa 3 hanggang 6 na buwan na claims processing ng karaniwang insurance company. Ang mga benepisyong ito ay eksklusibo lamang sa SEDPI members at maaring nagbabago depende sa nakolektang pondo. Noong 2021 at 2022, umabot sa PhP4.6M at 5.9M ang kabuuang naipamigay na benepisyo sa mga SEDPI KaTambayayong members.
Bagaman umabot na ang relief operations sa mga lugar na ito, hindi pa rin sapat ang mga tulong na ipinagkakaloob upang tugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga apektadong residente. Kailangan ng mga solusyong tumutugon sa pinagmumulan mismo ng problema. Una na rito ang paglipat sa mga residente mula sa mga hazard prone areas papunta sa mga safe zones. Pangalawa, ang pagbibigay ng abot-kayang pabahay sa mga residente. At pangatlo, ang pagkakaroon ng disenyo ng bahay na angkop sa lugar at sa kalamidad.
Upang matulungan ang mga miyembro nito, ang SEDPI ay kasalukuyang nagsasagawa ng socialized housing, SEDPI Building Adequate Livable Affordable and Inclusive (BALAI) communities, na naglalayong magbigay ng maayos at disaster resilient housing sa mga low-income members. Ang organisasyon ay nakikipagtulungan din sa pamahalaan, social investors, at civic organizations upang magbigay ng abot-kayang pabahay sa mga nangangailangan.